Bunso ako sa anim na magkakapatid, limang lalaki at ako ang tanging maganda sa amin, este babae pala. Masaya na mahirap ang maging bunso at nag-iisang babae sa pamilya. Lalo na’t hindi naman ako lumaki sa kalinga ng aking ina. Siya kasi ang nagta trabaho para sa amin. May sakit kasi ang dade. Kaya sa dade ko lumaki. Spoiled ako sa dade ko, in a sense na lahat ng simpleng bagay na kaya kong gawin, iuutos ko pa sa kanya. Katulad na lang ng pag-init ng tubig pampaligo. Pagbili ng napkin sa tindahan. Paghahanda ng kakainin ko. Pagtimpla ng kape ko. Paghatid sundo sa akin sa may kanto. Hindi siya kumakain hanggat wala ako sa bahay. Sinusundo niya pa ako sa labas para lang pakainin. Hindi ako napalo ng dade kahit minsan, nasigawan, OO, sobrang tampo pa ako nun. Natulog ako sa kapit bahay dahil sinigawan niya ako. Masarap maging prinsesa.
Pero ang mahirap siguro sa pagiging bunso at nag-iisang babae ay ang mga kuya ko. Ang mga kuya ko ang laging hadlang sa akin. Naiinis sila sa akin, dahil daw lahat ng gusto ko nakukuha ko, hindi sa materyal na bagay ha. Wala kami nun. Siguro sa atensyon. Punong-puno ako ng atensyon kaya naman may pagka KSP ako.
Ang mga kuya ko ang kontrabida ng buhay ko. Naranasan kong mabatukan, masampal ng shorts na makapal, masuntok. Palaban din kasi ako. Pumapatol ako sa mga kuya ko, lalo na pag alam kong tama ako. Kaya nakakatikim ako ng mga mabibigat nilang kamao.
Kung gaano kaluwag ang nanay at dade sa akin. Ganun naman kahigpit ang mga kuya ko. May isang beses na hindi ako umuwi ng bahay dahil may party sa lugar ng kaklase ko, nagpaalam ako sa nanay ko syempre. Pagdating ko kinabukasan sa bahay, tinanong ako ng pangatlo kong kuya kung saan ako galing. Sabi ko sa Debut, di siya naniwala, ayun, sinampal nya ako ng makapal na shorts. Ewan ko bakit ganun siya kahigpit sa akin nuon.
Para sa akin, ang panganay at pangalawa ang may karapatang batukan, sampalin, at pagalitan ako. Dahil silang dalawa ang nagpaaral sa akin. Kaya naman, pag lumanding na ang mga kamay nila sa ulo ko, wala, tameme na lang ako. Wala akong laban kasi malalaking tao yun. At ganun ko lang siguro sila nirerespeto, kaya kahit tumingin sa mata nila hindi ko magawa. Sila kasi ang tinuturing kong tatay. Ang provider ko, ng pamilya namin. Kahit kasi may pamilya na sila, hindi sila nagsasawang tulungan kaming magtapos ng pag-aaral.
Kaya minsan may pag ka boyish ako. Takot din mga naging bf ko pumunta sa bahay, dahil sa mga kuya ko. Swerte ni bf ngayon.
Kadalasan mas nagiging close ako sa mga kaklase/kaibigan kong lalaki, dahil alam ko na kung paano sila pakisamahan, medyo hirap din ako makitungo sa mga babae, depende na lang kung hindi kikay. Pero kalaunan, natutunan ko rin makisama sa mga pa next, pa girl at kikay.
Minsan hinihiling ko na sana may ate ako, para may kakwentuhan ako, kagalaan, yung pwede mong pagsabihan ng mga sikreto mo. Pero sabi nga ng nanay ko, kung nabuhay daw ang Ate Grace (namatay siya nung baby pa lang, sakit sa puso) hindi ako nakakapag-blog ngayon. Ang habol lang naman kasi ng nanay ko ay maka babae.
Nung October 19, 2009, birthday ng kuya eric ko, panganay namin, pumunta ako sa birthday party niya. Niyakap niya niya ako kagad pag dating namin ni bf. Naka smile at tuwang tuwa na sinalubong kami. Napayakap din ako sa kanya. Hindi kasi siya touchy. TOUGH kasi personality ng panganay namin. Naisip ko na lang, lasing na to, kaya ganito. Kasi pag hindi siya lasing at nag thank you ka sa kanya pag nanghingi ka ng pera. Kukutusan ka niya, sabay sermon. At pag hindi siya lasing at nilambing ko, (mahilig kasi ako mangyakap sa mga kuya ko, yung pasimple) ayun, bukol ang abot ko. Pero alam ko na yun na ang pinaka lambing nila sa akin. Kutos.
Sabi nga ni Kuya Eric kay bf. “ALAM MO SI SHERYL, NAG-IISANG BABAE NAMIN YAN, PERO LALAKI TURING NAMIN DIYAN.” sabay tawa at gulo sa buhok ko.
Di ko alam kung anong dapat kong maramdaman sa sinabi niyang yun. Siguro kasi alam niya na palaban din ako kahit iyakin ako. Nakikipagbugbugan nga ako sa kanila eh.
Hindi ko rin naranasan na ipag tanggol ako ng mga kuya ko sa mga naging kaaway ko. Hinahayaan nila ako na resolbahin ang problema ko ng mag-isa. Tama na sa kanila na alam nila yung nangyayari sa akin. Minsan nakakatampo, bakit ganun? Hindi man lang nila ako magawang ipagtanggol. Pero isa lang natutunan ko sa pagiging bunso at nag-iisang babae:
HINDI PORKET BABAE KA, DAPAT LAGI KA NA LANG NAG-IINTAY NG KNIGHT IN SHINING ARMOR MO, DAPAT MARUNONG KA RING LUMABAN SA BUHAY.










Ito dapat ang outfit ko, pagdating dun, tinanggal ko na yung palda, kasi ako lang naka pambata outfit. Waaahh…














MAGPARAMDAM KAYO