saranggola

By Sheryl D. Garafil

Si Tom Payatot, ay walong taong gulang. Nag iisang anak ni Mama Belle at Papa Billy, parehong may trabaho. Naiiwan siya sa yaya na mahilig mag text, kaya naman si Tom Payatot ay nakatutok lagi sa T.V. at Computer at PSP, hindi siya lumalabas ng bahay at sunod ang layaw at dahil dito, wala siyang kaibigan.

Isang araw si Tom Payatot ay nagkasakit, dinala siya ng kanyang mga magulang sa Ospital.

Kinausap ng Doktor ang mag-asawa.

 “Wala naman po akong makitang dahilan ng pagiging malamya ng anak niyo, sa tingin ko po ay hindi siya nasisikatan ng araw, kaya siya nagkaka ganyan.”

“Ang mga bata po kasi ay dapat na naglalaro o nakikisalamuha sa ibang bata, para maging malakas sila.”

“May probinsiya po ba kayo? Maari niyong pagbakasyunin si Tom doon para makalanghap ng sariwang hangin at makapag laro.”

Kinabukasan nagpasa ang mag asawa ng vacation leave sa kanilang opisina, para iuwi sa Jaen, Nueva Ecija para magbakasyon.

*****

Habang nasa biyahe, nag kwekwentuhan ang mag asawa. Pero si Tom Payatot ay nakaupo sa likuran habang naglalaro ng PSP at katabi ang yaya na text ng text. Hindi napansin ni Tom Payatot, na may mga batang naglalaro sa bukid at nagpapalipad ng saranggola. Napigtad ang tali ng saranggola kaya ito ay tumama sa salamin ng sasakyan, napatingin si Tom Payatot sa salamin, at nagulat siya sa kanyang nakita.

May dumapong saranggola sa bintana ng kotse, nagkaroon ng kamay, nagkaroon ng mata, ilong, at bibig ang saranggola, at kinausap si Tom Payatot.

“Kamusta kaibigang Tom Payatot?” Ako si Sara, Saranggola! Gusto mo bang sumama sa akin at lumipad?” Nakangiting bigkas ni Sara Saranggola.

Nagulat si Tom Payatot, napatingin sa unahang bahagi ng sasakyan at nakita niyang parang walang naririnig o nakikita man lang ang kanyang mga magulang.

Kahit nabigla at natatakot si Tom Payatot ay binuksan pa rin niya ang bintana ng kotse at hindi siya nag atubiling sumama kay Sara Saranggola.

Si Sara Saranggola ay may makulay na papel, para itong rainbow na pag nasikatan ng araw ay nag iiba iba ng kulay. Sumakay sa kanyang likuran si Tom Payatot at biglang lumipad paitaas.

“Kumapit ka ng mabuti Tom Payatot. Lilipad na tayo pataas!”

Woooooooooooooooohhhhhhhh

Ang sarap sarap palang lumipad, sigaw ni Tom Payatot

 wwwwwwwwoooooooooooooowwwwww

“Tingnan mo sa ibaba Tom Payatot,” sigaw ni Sara saranggola.

Tumingin si Tom Payatot, at nakita niya ang isang malawak na bukirin at naririnig niya ang sigaw ng mga batang naglalaro.

May nakita rin siyang mga ibon na kasabay nilang lumilipad sa kalangitan.

Maya maya ay nakita nya rin ang ibang mga makukulay na saranggola na may nakasabit ring mga bata sa likuran. Nagkamustahan ang mga saranggola. Hindi naman makilala ni Tom Payatot ang mga batang sakay nito at pareho pareho silang mapuputla ang kulay at matamlay.

At bigla siyang nagising sa isang mahimbing na pagkakatulog.

*******

Pag dilat ng kanyang mga mata ay nakahinto ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalsada kung saan may mga nagtitinda ng ibat ibang kulay, hugis, at laki ng mga saranggola.

Lumabas si Tom Payatot ng kotse ng mapansin niya na may kamukha si Sara Saranggola sa kanyang panaginip at sa tindahan. Dagli dagli niya itong pinabili sa kanyang mga magulang ng buong sigla.

 “Anak, alam mo ba kung paano magpalipad ng saranggola?” tanong ng kanyang Papa Billy.

“Po?, Magpapalipad? Hindi po, di ba po, sasakay ako sa kanya at lilipad kaming dalawa? nagugulumihanang sagot ni Tom Payatot sa kanyang ama.

“Anak, hindi ka kakayanin ng saranggola na isakay sa kanyang likod, dahil maliit lang siya at hindi ka maaring lumipad.” tugon ng kanyang ama.

 “Gusto mo ba yun Tom?” tanong ni Papa Billy.

“Opo!”, masiglang bigkas ni Tom Payatot.

“Tara na sa kotse at gagabihin na tayo” aya ng kanyang ama sabay abot ng bayad.

*******

Gabi na ng makarating sila sa bahay ni Lola Mercy. Kaya naman kumain lang sila at nagpahinga na.

Kinabukasan, pag gising ni Tom Payatot ay nasa labas na ang kanyang mga magulang. Kumakain ng agahan, nagka kape at masayang nag kwe-kwentuhan.

 “O, gising na pala ang gwapo kong apo, tara at mag almusal ka na dito,” Lola Mercy

Maganang kumain si Tom Payatot, kahit pa bago sa kanyang panlasa ang kanyang mga kinakain, “di bale masarap naman ito”, sabi ni Tom Payatot sa kanyang sarili.

Nang tapos ng kumain ang mag ama ay nagyaya na si Papa Billy na pumunta sa bukid para magpalipad ng saranggola.

Sa bukirin, marami ng batang naglalaro ng iba’t ibang uri ng laro katulad ng mataya taya, luksong tinik, luksong baka at patintero.

Tinuruan ni Papa Bill kung paano magpalipad ng saranggola si Tom Payatot.

Tuwang tuwang hinawakan ni Tom Payatot si Sara Saranggola na kumindat pa sa kanya,

Bulong ni Sara saranggola, “Sige Tom Payatot, ihagis mo ako, at ako ay lilipad ng matayog na matayog para sayo.”

Inihagis ni Tom Payatos si Sara Saranggola, at tumalon sa sobrang katuwaan.

Nagtatakbo si Tom Payatot sa kanyang ama at niyakap ito ng mahigpit sa may bewang habang nakatingala at tinitingnan ang matayog na paglipad ni Sara saranggola.

*********

Pinahawak ni Papa Billy ang lubid kay Tom Payatot at hinayaan itong mag maniobra sa saranggola. Tuwang tuwa si Tom Payatot, naisip na, hindi baleng hindi siya sakay ni Sara Saranggola, nakita at naranasan na naman niya ang paglipad kasama si Sara saranggola.

Marami na ring mga bata ang nagpapalipad ng mga saranggola, dahil hindi sanay si Tom Payatot na magpalipad ng saranggola, hindi niya namalayang sumabit ang tali ng isang saranggola kay Sara Saranggola at sa hindi inaasahang pangyayari, naektad, (naputol) ang lubid at biglang sumigaw si Tom Payatot.

SARA…SARANGGOLA KO!

 “TARA, habulin natin ang iyong saranggola, dyan lang yan babagsak sa bukid. Takbo!, sigaw ng isang batang lider lideran ng grupo.

Nakitakbo rin si Tom Payatot, hinayaan na lamang siya ng kanyang Papa Billy para matuto itong makisalamuha sa mga kasing edad nito.

 “Hala! Paano natin yan makukuha?’, tanong ni Tom Payatot.

“Huwag kang mag-alala kaibigan, sanay kaming umakyat ng puno,” sigaw ni Bentot.

“Aakyat ng puno? paano? baka malaglag kayo?” pag aalala ni Tom Payatot sa mga bagong kaibigan.

‘Manood ka na lang, kaibigan’, pabidang sagot ni Kat-kat.

Umakyat ang dalawang bata para kunin ang saranggolang sumabit, habang nakamasid si Tom Payatot sa kanila.

Nakuha ni Kat-kat ang saranggola, bumaba ito, at inabot kay Tom Payatot ang saranggola.

“SARAnggola ko!’, tuwang-tuwa na inabot ni Tom Payatot kay Kat kat ang saranggola. 

“Tara, paliparin ulit natin ang saranggola mo”, aya ni Bentot.

“Sige”, tugon ni Tom Payatot.

Tuwang tuwa nagpalitan magpalipad ng saranggola ang tatlong bata, at ng mapagod ay tinuruan naman nila ng ibat-ibang laro si Tom Payatot, katulad ng mataya-taya, patintero, agawang base, luksong tinek at ibat ibang klaseng larong pinoy, kasama pa ang ibang bata.

Hanggang sa tawagin na ng kanya-kanyang magulang ang mga bata para mananghalian.

“Mamaya ulit hapon Tom, magkita kita ulit tayo at maglaro”, sigaw ni Kat-kat habang kumakaway. 

“Oo ba, maliksing sigaw ni Tom Payatot, at lumapit sa kanyang ama na hawak hawak si Sara Saranggola.

Anong pakiramdam ng nakikipag laro sa ibang bata Tom? tanong ni Papa Billy.

“Mas masaya po kesa mag-isang naglalaro ng computer games at PSP!’ maligayang tugon ni Tom Payatot.

“O paano, umuwi na tayo at kakain ng tanghali, aya ni Papa Billy.

**********

Lumipas ang maghapon at walang pagod na nakipaglaro si Tom Payatot sa mga bagong kaibigan, kasama si Sara Saranggola.

Makalipas ang isang linggo at tapos na ang pagbabakasyon ng mag-anak.

Nag paalam na si Tom Payatot sa kanyang mga bagong kaibigan at nangakong babalik para makipaglaro ulit sa kanila.

Pagdating ni Tom Payatot sa kanilang bahay sa Manila, dagli dagli itong tumakbo sa kanyang kwarto at sinabit si Sara saranggola sa bintana, para mag paalala ng magandang karanasan sa probinisiya.

Taon-taon na ring nagbabakasyon ang mag-anak sa probinsiya, o kung may pagkakataon para pumunta ng probinsiya ay hindi nila pinapalampas.

At unti-unti ngang naging masigla, masiyahin ang batang si Tom Payatot.

—————————————————

Eto po ang aking entry sa pakontes ni Kuya Bernard Umali – http://bernardumali.wordpress.com

sa kanyang pakontes Saranggola Blog Awards!

– kwentong pambata –

edited na po yan, kung kakatayin ko pa, baka wala ng matira. hehehe